Friday, May 11, 2012

Anghel Chapter 3



Note: this story is entirely fictional. Any similarities in people, place, event and/or other works are purely coincidental. :)

_________________________________________________________________

'Eto yung kapitbahay naming bagong lipat ah.' sabi ko sa isip ko.

Tinulungan ko itong bumangon at nagsorry. Di ko naman siya masisisi at hindi siya nakatingin sa daan. Bagong lipat lang kasi at baka kinikiliatis niya pa ang bagong paligid.

'Nako sorry. Di kasi ako nakatingin sa dinadaanan.' wika nito.

'Wala yun. Okay lang yun.' sagot ko.

Tinignan niya ang mukha ako. Hindi ko alam pero tinamaan ako sa tingin niya. Para bang may naramdaman ako na kakaiba pero hindi ko malaman kung ano ito.

'Teka, diba ikaw yung kanina? Yung lalaking lumabas kaninang umaga?' Tanong nito.

'Oo ako nga yun.' nakangiti kong sagot.

'Pasensya na talaga ah. Naghahanap kasi ako ng malapit na karinderya dito. Eh hindi ko naman alam kung saan.' sabi nito habang nagkakamot ng ulo.

'Ah. Sa kanto doon merong malapit. 'Lika samahan kita.' pag-aya ko sa kanya.

'Hindi ba nakakahiya?' nahihiya nitong tanong.

'Sus bawal mahiyain dito. Lahat ng tao dito sa amin magkakakilala.' nakangiti kong sagot.

'S-sige. Oo nga pala, PJ.' sabi nito habang inilahad niya ang kamay niya.

'Mac.' tugon ko naman sa kanya at inabot ang kamay niya.

______________________________________________________________

Nang inabot ni Mac ang kamay ko, tila parang merong kuryenteng dumaloy sa katawan ko. Hindi ko maipaliwanag pero ano itong nararamdaman ko?

'ang lambot ng kamay niya.' sambit ng isip ko. Hinawakan ko ito nang matagal. Ang sarap kasing hawakan ng kamay niya. Para kasing hindi nagtatrabaho sa bahay. Parang mas malambot pa nga ang kamay niya kaysa sa akin.

Bumalik lang ako sa katinuan nang tawagin ulit ako ni Mac.

'PJ?' magiliw na tawag nito sa akin. 'ang tagal mo nang hawak yung kamay ko ah.'

Binawi ko agad ang kamay ko at napayuko. Namumula ako sa hiya.

'P-pasensya na.' pagpaumanhin ko.

'Mahiyain ka nga talaga. Tara samahan na kitang bumili ng pagkain niyo.' yaya ni Mac sa akin. 'may alam akong masarap na karinderya dito.'

Tinapik ako nito sa balikat at sinamahan akong maglakad. Namayani ang katahimikan sa aming dalawa noong mga sandaling iyon. Hindi ko pa naman kasi kilala ang taong kasama ko. Ang alam ko lang ay ipapakita niya ang pinakamalapit at pinakamasarap na karinderya dito sa lugar nila… este namin.

‘Ano ayos ba yung lugar namin?’ tanong ni Mac sa akin.

‘Ah-eh. Okay naman. Tahimik din parang sa amin dati.’ Sagot ko naman.

‘Oh? Saan ba kayo dati. Alam mo hindi ikaw yung pangkaraniwang tao na lilipat lang dito sa lugar namin.’ prangkang sabi ni Mac.

‘Sa hitsura mong iyan hindi ikaw yung simple lang ang pamumuhay. Hindi ikaw yung nasanay sa ganitong klase ng buhay’ dugtong pa niya.

Napatitig lang ako sa kanya. Hindi ko kasi alam kung i-oopen ko sa kanya kung bakit lumipat kami. Ngayon pa lang kasi kami nagkakilala. Minsan na din kasi akong napahamak. Kita ko sa kanya ang interes na malaman ang tungkol sa akin.

‘Nako mahabang istorya Mac.’ alibi ko sa kanya.

Nakita ko sa kanyang mga mata ang pagkadismaya.
_________________________________________________________________

Tinititigan ko lang si PJ habang naglalakad kaming dalawa papunta sa karinderya sa kanyo. Sa totoo lang hindi siya yung tipo ng tao na talagang mapapatira mo sa ganitong lugar. Oo payapa at tahimik dito pero hindi mo maiisip na may nakatirang mukhang mayaman sa amin.

‘Pasensya na PJ ah. Inaatake na naman ako ng pagiging pakialamero.’ Dispensa ko sa kanya.

‘nako wala iyon. Okay lang.’ wika nito at binigyan ako ng isang pilit na ngiti. Kita ko sa mga mata nito ang hirap ng dinadala niya.

‘PJ, kung ano man yung dinadala mo, andito lang ako para pakinggan ka. I can be your best friend’ pagsisiguro ko sa kanya.

Matapos kong masambit ang mga iyon ay nakita ko sa kanya ang pagliwanag ng kanyang mukha. Ang cute niya pag ngumingiti. Parang batang inosente kung tutuusin.

‘ah ganun ba?’ ang tanging naisagot niya.

Nginitian ko lang si PJ at patuloy kaming naglalakad. Natahimik lang ito habang ako naman ay tinitignan siya.

‘Simula nang mamatay na ang mga magulang naming ay napagdesisyunan naming mamuhay na lang nang simple’ pagbasag nito sa katahimikan.

‘Saan ba kayo nakatira dati?’ usisa ko.

‘Sa Makati,’ nakangiting sagot nito. 'may bahay kami doon pero napag-isipan na lang namin na iwan na lang yun.'

‘Oh? Bakit niyo iniwan yun?’ tanong ko.

‘E kasi kami na lang ni Edward ang nakatira dun. Masyado nang malaki yung bahay para sa aming dalawa. Aba mahirap maglinis ah.’ Turan nito.

Natawa naman ako sa sinabi niyang iyon. Palabiro din pala ang mokong kahit na tahimik siya.

‘Ikaw Mac? Matagal ka na ba dito sa lugar natin?’ tanong niya sa akin.

‘Oo. Dito na ako pinanganak at lumaki.’ Tugon ko naman. ‘Nakita ko lahat ng pagbabago ng lugar na ito habang lumalaki ako. Madami na din akong naging kaibigan dito sa lugar namin at hanggang ngayon magkakaibigan pa din kami. Hayaan mo ipapakilala kita sa mga kabarkada ko.’

Ngumiti lang sa akin si PJ at nagpatuloy maglakad.

Nagpatuloy pa din ang kwentuhan naming dalawa, mula sa amin, hanggang sa mga kaibigan namin, sa pagaaral. Nalaman ko na sadyang mahiyain si PJ kaya pala tahimik. At tumigil ito sa pag-aaral para maipagtapos niya ang kapatid na si Edward. Nalaman ko ding matalino din si PJ dahil nasabi niya na gusto niyang libro ang hawak niya at ayaw niyang sumali sa mga contests na itsura lang ang basehan para manalo. Hindi siya masyadong palasalita, pero ang mga tingin niya lang, alam mo na kung ano yung pinahihiwatig nito.
Dumating na kami sa karinderyang pinagbibilhan ko ng ulam at tinulungang mag-order si PJ.

‘Uy Mac, mukhang me bagong magiging regular customer kami ah.’ wika ni Jake. Ang barkada kong anak ng may-ari ng karinderya.

‘Haha eto? Si Pidyong? Oo. Bago lang kasi dito sa lugar natin kaya eto pinili ko na yung the best na karinderya.’ Magiliw kong sabi kay Jake.

‘Bolero.’ Nakangiting sagot nito. ‘so ano? Daming masarap diyan oh. Pili lang kayo.’

‘Oh Pidyong, pili ka na ng ulam mo. Daming masasarap oh.’ Sabi ko sa kanya habang tinitignan kung ano ang masarap na ulam.

‘Pidyong talaga?’ nakangiting sabi nito.

‘Para maiba naman.’ nakanigiting sabi ko sa kanya.

Nginitian lang ako ni PJ. Nagsimula nang magturo si PJ ng kung anong kakainin nila sa lunch.

‘Kuya eto na lang kare-kare atsaka chopsuey.’ Wika ni PJ kay Jake.

‘Nako wag mo akong ma-kuya. Mas bata ako kay Mac.’ Pang-aasar nito.

‘asa! 21 ka na kaya!’ balik-asar ko sa kanya.

’21 nga, di naman halata. Babyface to no!’ sabay turo sa mukha nito.

‘babyface? Babyface mo mukha mo’ sagot ko dito.

Natawa naman si PJ sa asaran naming dalawa ni Jake.

‘Nako pagpasensyahan mo na kami. Ganito lang talaga kami. Lalo na mamayang hapon.’ Wika ni Jake.

‘Bakit? Anong meron mamayang hapon?’ nagtatakang tanong ni PJ.

‘Ah iyon? Tuwing hapon kasi lumalabas kaming magbabarkada dito sa amin. Yun na yung bonding time naming magbabarkada. Maglalaro lang kami ng mga street games, kwentuhan, asaran. Parang bumabalik lang kami sa pagkabata namin.’ Tugon ko sa kanya.

‘gusto mong sumama? Dali kung may kapatid ka man na mas bata isama mo. Welcome kayo sa barkadahan namin’ dagdag ni Jake.

‘ah eh.. Sige sige. Susubukan ko. Chance na din namin na magkaroon ng newfound friends’ nakangiti nitong sabi sa amin.

‘o pano Jake. We’ll be seeing you later along with the others.’ Wika ko kay Jake.

‘Sure thing’ sagot nito.

Naglakad na kaming pauwi ni PJ. Muli, katahimikan ang bumalot sa aming dalawa habang naglalakad pauwi.

'Gusto mong sumama sa amin ni Edward maglunch?' pagbasag nito ng katahimikan.

'A-ako?' gulat kong tanong sa kanya.

'Oo. Parang welcome party.' magiliw niyang sabi.

'Nakakahiya naman ata. Tsaka hindi pa naman ako masyadong nagugutom eh.' tugon ko rito.

'I insist. Di ako tatanggap ng hindi' pilit nito.

'Nako pass talaga muna ako. Pasensya na Pidyong ah.' malumanay kong pagtanggi.

Mula sa mga ngiti ay nakita kong parang nalungkot ito nang tanggihan ko ang paanyaya nitong sumama sa tanghalian nila ni Edward. Lalong umamo ang mukha nitong ubod ng gwapo. Ang mga mata nitong animo'y iiyak anumang oras. At ang nakapout nitong lower lip. Napayuko ito habang naglalakad.

'Pidyong?' tawag ko sa kanya.

Tumingin lang ito sa akin. Bakas pa din sa kanya ang lungkot.

'Sige sasama na ako. Tutal dingding lang naman ang pagitan ng mga bahay natin eh.' turan ko sa kanya.

'Talaga?' excited na sabi nito. Parang batang napangakuan ng kendi.

Tumango ako bilang pagsang-ayon.

'Yehey!' malakas na sabi ni PJ at niyakap ako nito. Nagulat naman ako sa ginawa ni PJ dahil pareho kaming lalaki. Baka kung ano kasi ang isipin nila. Pero di ko na pinansin iyon. Wala lang naman sa akin ang ganitong eksena.

Nakita ko sa kanya ang ibayong ngiti habang naglalakad kaming dalawa pauwi. Nakakahawa ang mga ngiti niya. Pati ako napapangiti dito. Kahit alam ko na hindi pa din ito sanay sa simpleng buhay e hindi niya ito pinapansin. Walang bakas sa kanya na nahihirapan siyang mag-adjust sa ganitong buhay.


Nang dumating na kami sa bahay nila, sinalubong kami ni Edward.


Itutuloy...

No comments:

Post a Comment